HUSTISYA (justice)
“Justice for J.B, Justice for J.B, Justice for J.B,hahahahaha”
Kapit kamay ang tatlong bata habang sinisigaw ang mga linyang ito. Nasa kabilang dulo naman ng daan katabi ng tricycle ang isang batang lalaki.
Pagod na pagod akong naglalakad dala ang dalawang timba ng tubig pauwe samin.
Sa daan, halos ang mga bata na ang silang may control. Takbo dito, takbo doon, sigaw dito, sigaw doon, tulak dito, tulak doon. Maingay sila. Masaya.
Naalala ko nung araw, nakita ko kasi yung sarili ko sa mga bata, Masaya. Yung mga ginagawa’t sinasabi nila na sila lang mismo ang nakakaintindi, na sila lang mismo ang nakakaalam. Gusto kong balikan. Kapag bata ka kasi, iyo ang mundo, hawak mo ito ng mga palad mo, ikaw mismo ang magpapaikot, ikaw mismo ang kayang magpatigil nito.
Ang alam kong laro noon eh, patintero, tagaang base, pwera sa likod(tagutaguan to), at madami pang iba, maski nga gagamba at uwang ginagawa kong laro, pinaglalaban ko sila sa stik ng barbeque, diba weird, minsan kasi wala akong kalaro,boring.Sisimulan namin noon yon ng pasikat pa lamang ang araw, pupunta kami sa tabing dagat para magpainit ng likod, sabi kasi nila inang eh mahusay daw ang init ng araw para sa baga, pagkatapos noon, takbuhan na pauwe sa daan,
“makampi-kampi, di mag iba taya, itim taya!” yan mismo ang mga saktong salitang sinisigaw namin noon. Pagkatapos niyan, jack en poy naman. At ang huli, malalaman na kung sino ang taya, ayan na--- ako namang si tanga na kung saan saan nakatingin(naghahanap kasi ako ng lugar na pagtataguan, kampante kasi akong ligtas na ko) eh napaglalamangan na pala, dahil binubulungan na ng mga ligtas sa pagkataya ang kalaban ko para manalo, syempre talo ako at ako ang taya, madalas yan. Napakadalas.
“Pwera sa likod, pwera sa harap pagbilang kong tatlo nakatago na kayo, isa, dalawa, talo, Game!” hanap ako, takbo sa may eskinita namin, takbo sa halamanan, takbo doon sa lambatan, may makikita ko mangilan ngilan, wala pa siguro sa kalahati yung matataya ko, kadalasan kung sino pa yung mga babae sila pa ang matinding magtago, --- ang labas balaguong ako, ibig sabihin, ako na naman ang taya. Maski na walang laman ang tiyan, makapaglaro lang ayos na.
Nagulat nga ako doon sa mga batang sumisigaw ng “justice for J.B…” napahinto nga ako, binaba ko ang dalawang timba, at pinagmasdan ang mga mukha ng mga bata, hinanap ko ang batang hinahanapan ng hustisya, yung J.B. nakatingin lang siya doon mismo sa tatlong babaeng sumisigaw, maiyak iyak, pero nakangisi ng pilit, hindi ko lubos maisip kung anong laro ang ginagawa nila, nagasalita yung isang bata, “kumuha ka ng bato, tapos ipatong mo sa ulo mo, kunwari patay ka.” Sabay takbo palayo. Nakuha ko na ang laro ng mga bata. Siguro iniisip nilang may rally at pilit nilang ipinagtatanggol ang namatay na si J.B. walang kaabog abog at humiga sa may gulong ng tricycle yung J.B at nagpatay patayan. Ito ang weird.
Kinuha ko ang timba, tumuloy akong maglakad papunta samin, at hinayaan kong maglaro ang mga bata. Nangiti na lang ako, napailing.
Mahirap isiping nagiiba na ang panahon kasabay ang pagiiba ng gusto ng mga bata, at lalong mahirap isipin na iba na ang pagiisip ng mga bata di tulad noon, nakita ko kay J.B ang sarili ko dati, na parang sunod ka lang sa agos, Masaya ka naman eh dahil may kalaro ka.
Masarap magbuhay bata, kung pwede nga lang bumalik sa dati, babalik ako, makapaglaro lang ulit, pero sa susunod gusto ko na ng patas, yung alam ko na hindi nila ko malalamangan, yung tipong batang normal ako, yung para bang hindi ka magmumukhang tanga sa tingin ng mga nakapaligid sayo, yung hindi ka na kayang pingutin sa tenga’t pauuwin ka dahil kawawa ka. Ayoko na noon.
Ngayon, sampung taon na mahigit ang nakalipas, kasama ko pa din si nanay, ganon pa din siya, sobrang protective, kailangan kumain ka muna bago ka umalis, si kuya, ganon pa din, pero nasasagot ko na siya, nasasabi ko na sa kanya na alam ko ang ginagawa ko. Ipinapakilala ko na ang sarili kong hindi na balaguong at hindi na sunod sa agos.
Sabi nga subukan mo ding tumaliwas sa agos ng buhay mo, malay mo, mas maging ayos ka sa pagsalunga mo.
Isinalin ko ang laman ng timba, sinilip ko ang mga bata sa daan,
“Wag masakit!” nakaambang hahampasin ng isang batang lalaki si J.B, “patay na yan, si ken yung habulin naten.hahahahahahaha.takbo bilis!”
Buntong hininga.
Comments
Post a Comment