Gayuma ng Divisoria...
Manggagaling pa ako ng probinsya.
Tumayo at ihanda ang aking sarili, magbihis, kumain.
Dapat mayroon akong pera sa bulsa.
At higit sa lahat, kailangan kong ibukas ang isip ko't gawing handa sa kung anu man ang makikita ko sa lugar niya.
Handa na akong harapin siya.
Bata pa lamang ako, naririnig ko na siya, akala ko ngat ito'y parang isang tindahan lamang, naririnig ko na mura daw doon, madaming tao, maingay, mapanganib.Mapanganib? Marahil Oo, Siya ay nasa pusod ng Maynila, kuta ng mga opurtinad at ng mga masasamang loob, nasasayo din naman kung paano mo titingnan, kung optimistiko ka, sa pagbubukas ng kapalaran, at kung pesimistiko ka, isipin mo lahat ng kasamaan.
Pang ilang beses ko pa lamang siya napuntahan, Sa unang pagkakataon, natatakot ako, ilang paninigurado at pagpeprepara ang ginawa ko bago ako bumyahe papunta sa kanya, pinaghiwahiwalay ko ang aking mga pera, nagbaon ako ng tinapay at iniayos ko ang aking itsura.
BYAHE.

Andar ang jeep. Limang minuto, kinse minutos, Trapik. Usok. Bente Minutos. Takip ng ilong, bente singko minutos, hawak sa bag. Baba ng Jeep. Doon ko na siya nasilayan, Puno ng tao, halos hindi magkamayaw ang lahat mistulang lahat ng tao ay may pinagkakaabalahan, may kanya kanyang ginagawa, latag ng paninda, alok. sigaw.
Hindi ako sanay sa mga ganoong pangyayari,marahil syempre ako'y laking probinsya. Sisimoy pa ang ma-manghi manghing hangin, dadampi sa balat mo ang itim na usok ng mga tambutso, titilamsik sa binti mo ang putik at katas ng mga kung anu anong bagay. Nakakahilo, Mabaho. Pero hindi iyon ang pakay ko sa kanya. Mababakas sa bawat mukha ng gusali ang kalumaan, makikita mo naman sa mukha ng mga tao ang kahirapan at pangamba, halos isang araw ang ginugol ko sa pagiikot sa lugar niya, di ko man nalibot lahat, alam kong may susunod na pagkakataon pa naman.
Iba-ibang mukha ang napansin ko sa lugar niya, bawat isa may karakter. Sa bawat karakter may ibig iparating. Mga batang kakalabit sayo at hawak hawak ang tiyan, mga tinderong kulang na lamang eh sigawan ka sa tenga upang lumapit sa kanila, mga tsuper na susutsutan ka at patatabihin upang makadaan sila, mga lalaking nagtatakbuhan bitbit ang isang bag na pang babae at ilang may sakit sa pagiisip na tanging sarili lamang nila ang kanilang naiintindihan. Di maipinta ang aking mukha, sa sobrang init na yata o sa mga nakikita ko lamang.
Isa na din yata ako sa mga nagayuma niya na muling pabalikbalikin sa lugar niya. Hahanaphanapin mo kasi talaga ang talagang abot kamay na presyo ng mga bilihin dito, yun mismo ang aking pakay. Sa kabila pala ng lahat, may mga paunti unti pa ding mga bagay na kukurot sayo. Nais ko pang malibot ang lugar niya, nais ko pa ding makakita ng mga di napapansing mga bagay na para sa akin ay napakalaki ng kahulugan.
Napagusapan namin na bumalik muli bago mag pasko, Di ko na mapigilan ang aking pananabik. Gusto ko ng muling bumisita sa kanya, at di ako muling magbubulag bulagan...
"Isang lalaki ang nabugbog matapos mang-snatch ng isang babae sa Divisoria kaninang umaga, Di makatayo ang lalaki sa sobrang hilo at sakit ng mga natamong sugat sa katawan"-balita
Comments
Post a Comment