Romeo Agustin

Ah si Romeo Agustin! 

Nagmamadali akong pumunta ng school, sa kadahilanang baka maiwan ako ng service papuntang paraiso, isang kembot na lamang, at maiiwan na nga ako ng bus.

Halos 2 oras kaming bumyahe patungo sa kanila. Sumabay pa ang panahong lalong nagpalamig at nakisimpatya sa mga pananaw at takot naming baon habang naglalakbay. Patak ng ulan, mala-bituka ng manok na daan, hampas ng hangin sa naglalakihang sanga ng kahoy, ugong ng mga sasakyan at lumuluwang mata pag silip sa bintana dahil sa mga banging halos ikamattay mo ang distansya.

Buhos ng ulan. Mabait yun si Romeo Agustin!

Nakahinga na ko ng maluwag ng alam kong wala na ang zigzag na daan at lintik na mga nakakalulang bangin na yan. Ilang minuto pa at ayun, napasok na namin ang bukana ng paraiso. Asul na damit para sa mga lalaki at kulay rosas naman sa mga babae. Binigyan kami ng konting orientasyon para sa pakikisalamuha namin sa mga nakatira doon sa mumunting paraiso. Patak ng ulan, basang paa.

Dinala na kami para makipagusap sa kanila. Naupo sa bangko, at saka na dumating isa-isa ang mga nakatira doon, suot nga ang nagtitingkarang kulay ng kanilang damit.

Siya na yung naging tatay ko, si Romeo Agustin.

Buntong hininga, sinimulan na ang konbersasyon. Nagsimula sa batian, tanungan ng pangalan...

"Ako po si Michael, 21 yrs old, ay 31 pala. 2 yrs na ko dito sa paraiso. (tingin sa baba, hugot ng malalim na tingin)."

tanong..

"Di na ko nakatapos ng pag-aaral, hanggang grade 2 lang. Sa Tarlac, nagsasaka ako duon, pero nung bata ako dinukot ako, nagaalaga din ako ng mga itik, sa Tarlac din. OT ako dito, katulong nila ko, magbuhat ng mga bangko. Nalilibang naman, naggagawa kami ng mga sabon dito, mga likas papaya. Kumain na! Champorado, kaso matabang (ngiti) May bestfriend ako, mabait naman, siya kasama ko sa loob pero minsa umo-oo na lang ako, dami kasing kwento."

Kuya kaw naman magtanong.

"Di ako mahilig magtanong, pag tinanong niyo ko, sasagot lang ako."

Ah asan po mga magulang niyo?

"Di ko alam, baka nasa Tarlac, dinukot kasi ako, tapos inampon ako ni Romeo Agustin, mabait yun! Siya nagdala sakin dito, nung buhay pa siya."

Bakit po namatay?

"Binaril. Ako lang natirang witness, na-TV pa nga daw ako eh, mejo matagal daw exposure ko sa TV." Artista ka na kuya! Pa-autograph! (mukhang patulo na ang luha ni kuya)  (Hugot ng tingin) 

Ay kuya may pasalubong kami sa inyo! (para lang maiba ang usapan)

"Uy salamat, salamat!" (ngiti abot tenga)

"Gusto ko sanang makakita ng bagong pera, maganda kasi sa TV."

Kung pababalikin at bibigyan kang pagkakataon magaral ulit, anung course ka kaya kuya?

"Di nga ako nakatapos ng kahit elementary, mukhang mahirap na magcollege, pero kahit ano."

Pag nakalabas ka kuya magagawa mo na lahat, mag-asawa ka!

"Ayoko ng mag-asawa, wala akong pambuhay sa pamilya ko. Nakalabas na ko dito, nang-away ako sa labas, binalik ako ulit dito, ewan ko ba."

"Mababait naman mga kasama ko dito, yung iba nga lang masungit."

Kuya malapit ka ng makalabas dito, mas mganda sa labas.

"Nako oo nga, sana."

"pero si Romeo Agustin, binigyan niya na ko ng lupang sasakahin, mainit nga lang, lagi hayop kasama mo, mga kalabaw ganun. (ngiti)."

Ah si Romeo Agustin, yung umampon sayo, pero pareho na kayo apellido?

"di ko kasi alam apellido ko."

Sumenyas na si maam, Time out na daw.

"Pero si Romeo Agustin yung amo ko."

Uy kuya, anu ulit pangalan ko?

"kamot sa ulo (ngiti, hugot ng tingin pailalim)"

Inabot namin ang aming kamay ng aking partner, saka nagpaalam, at nangakong dadalan namin siya ng champoradong matamis at puno ng gatas.

Habang bumubuhos pa din ang malakas na ulan, nakapila silang pinapasok sa isang silid sa loob ng paraiso, nakangiti siya, tanaw nmin, at yung iba niyang kasama, parang ang layo pa din ng tingin, malalim ang iniisip, di mapayapa ang kalooban, ngunit may ngiti sa mga labi.

Buntong hininga lamang ang naisagot ko habang papaalis sila, kasabay ang paglaglag ng mga dahon ng talisay at ugong ng hangin. Lagi kong naririnig ang Romeo Agustin. lakad pabalik ng service, Romeo Agustin.

May mga kadahilanan kung bakit talagang napupunta ang isang tao sa paraisong iyon, at alam kong si Romeo Agustin ang dahilan ng pagkakapasok doon ni Kuya Michael.

Isa na namang araw ang maitatala sa aking buhay, isang araw na puno ng pag-asang makakatikim ako ng pagkaing may lasa, pag-asang makikita ko ang tunay na mundo at pag-asang magpapakilala sakin kay Romeo Agustin.



Buhos ng ulan.

Comments

Popular posts from this blog

HIMALA

pasakalye:

Gayuma ng Divisoria...