Paghihiganti.


Mainit ang singaw. Talagang tagaktak ang pawis mula noo hanggang sa baba, sa leeg. Hindi mo maiiwasang mapahiyaw sa init, mistulang napakalaking pugon ang kapaligiran. Ang simoy ng hangin ay parang apoy na kulay puting dadampi at susunog sa iyong balat sagad hanggang sa loob ng iyong katawan.
Salin ng tubig sa baso, inom. Paypay. Hinga. Inom. kung hindi mo gagawin ito ng paulit ulit, mamatay ka sa pagkatuyo.
Isang umaga nagising ako ng init na init at tila balisa sa aking pagkakatulog. Sumilip ako sa bintana ng kwarto, natanaw ang mga puno't halaman sa likod bahay, walang hangin, at syempre walang galaw ang bawat dahon at sanga, tuyong tuyo ang lupa na wari mo'y mabibiyak at mahahati sa gitna at lalabas ang nagaalimpuyong apoy. Nagtanggal ako ng damit , sinuot ang aking pantalon, binuksan ko ang bintana patungong bubungan, saka umupo at pumito. Iilan na lamang din ang mga ibong lumilipad dito sa may amin, magbuhat  nung nagkamatay ang iba naming puno, parang nagtampo na din silang manirahan sa likod bahay namin. Nakatulala ako sa langit, konting hinga at nag-isip. Maya maya'y sa kabila ng matinding init, tumulo ang malalaking patak ng ulan. Nabasa ang lupang tigang at nagkaroon ng inumin ang mga punong halos mamatay na sa init.
Hindi ko ba mawaring tag-init ngayon o tila ba pinaglalaruan lamang ang panahon. "Noon, wala ka talagang mararanasang ulan pagtungtong ng Mayo." sabi ni Tatang, Naalala ko lamang noong huling punta ko doon sa kanila.
Punas ng pawis. Iba na nga ang panahon ngayon, talagang di na nating maitatagong nagbabago na ang panahon kasabay ng pagbabago ng tao. Mahirap ding isipin ang katotohanang gumaganti na ang kalikasan.
Inom ng tubig. Kulang na lamang eh lumunok ako ng tipak tipak na yelo ng hindi mainitan. Malamang sa hindi ganito din sa ibang panig ng mundo. Nagiiba na talaga, natatakot na ako.
Paypay. Unti-unti na ding nawawala ang saya ng mga hayop. Dahil nga siguro sa init na nagpapaiba ng kanilang kondisyon. Kokonti na din talaga sila, kung mapapansin niyo. mahirap man isipin na ganito ang nangyayari. Konting hangin na lang kasi ang malinis ngayon, konting singhot mo nga, sunog baga na dahil sa usok.
Hinga. Sa kabila ng lahat ng pagbabago ng kapligiran, sa pagpapalit ng panahon Sa pakikitungo at pag-galaw ng mga tao, iisa lamang dapat ang ating iisipin- Ang susunod na henerasyon. Kung hindi pa natin sisimulan ngayon ang pagbabago ng bawat maling nakakaapekto sa kapaligiran, tiyak wla ng naghahantay sa mga isisigaw pang mga bata.
Lumalakas na ang ulan, nakita kong basa na at tumutulo na sa mukha ko ang mainit na katas nito, basa at mapapalipitan na ang suot kong pantalon. lumalakas na ang hangin, tinatangay na ng simoy nito ang mga dahon ng puno, lumilipad paisa-isa ang mga ibon pasilong. Sabay balikwas ko sa bubungan, iniuna ko ang aking kaliwang paa pababa sa kwarto ko. Ibinukas ko pa ang bintana para pumasok ang simoy ng hangin sa kwarto ko. Malamig naman na sa ngayon, malamang sa malamang, maya-maya aagos na naman sa dibdib ko ang katas ng nagaalimpuyong tubig ng impyerno kasabay ng pagtirik na naman ng haring araw.
Sa atin mismo magsisimula ang pagbabalik ng dating kapaligiran, tulungan natin Siyang ibalik ito sa dati. Sabay sabay nating punasan ang pawis na katas ng tag-init, ibukas mo ang pamaypay at itaboy ang simoy ng kapahamakan. Langhapin mo ang siyang hanging bubuhay sayo.
Sabay salin ng tubig sa baso.



Comments

Popular posts from this blog

HIMALA

pasakalye:

Gayuma ng Divisoria...